MANILA, Philippines - Napaslang ang isang 74-anyos na retiradong regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki sa kanyang tahanan sa Gallego Street sa Barangay Poblacion sa bayan ng Aguilar, Pangasinan noong Martes ng tanghali.
Napuruhan sa dibdib si Atty. Leonardo Jimenez Jr. matapos ratratin dakong alas-11:35 ng tanghali.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagbabasa ng dyaryo sa loob ng kanyang office na nasa kanilang bahay ang biktima nang pasukin at pagbabarilin ng malapitan.
Walang nagawa ang mga kawani ng biktima na nakasaksi sa krimen dahil sa matinding takot na madamay.
Lumilitaw na inakala ng ilang saksi na magpapanotaryo lamang ang isa sa dalawang lalaki na nagtungo sa kinaroroonan ng biktima.
Si Jimenez ay tumatayong administrator ng Zaratan Rural Medical Clinic kung saan doktora naman ang kanyang misis na si Dra. Fe Zaratan-Jimenez.
Isa sa anggulong sinisilip ng mga imbestigador ay ang alitan sa lupain dahil pagmamay-ari ng misis ni Jimenez ang 50-ektaryang lupain na nasa Isabela na may ibang personalidad ding umaangkin. Dagdag ulat ni Eva Visperas