MANILA, Philippines - Ako ang target!
Ito ang tinuran kahapon ni Maguindanao Governor Esmael “ Toto “ Mangudadatu kaugnay ng pambobomba sa kaniyang convoy sa Tacurong City, Sultan Kudarat kamakalawa na kumitil ng buhay ng 2-katao habang anim pa ang sugatan.
Sinabi ni Mangudadatu na determinado ang kaniyang mga kalaban sa pulitika na itumba siya matapos ang patuloy na pagbabanta na kaniya.
Hindi man direktang tinuran ng gobernador ay nagpatutsada ito na naghihinala siyang ang angkan ng mga Ampatuan ang nasa likod ng madugong car bombing.
“I don’t think there was any other target but me, alam n’yo hindi naman hihinto ‘yung aking mga kalaban sa pulitika eh, “anang gobernador sa phone interview sa PNP Press Corps.
“ Five to 7 seconds lang after dumaan sa area ‘yung vehicle ko, saka sumabog ang bomba,” ayon pa sa gobernador na ikinalungkot ang insidente matapos na bawian na rin ng buhay kahapon ng madaling-araw si Maguindanao Board member Datu Russman Sinsuat Sr.
Bandang alas-3 ng hapon noong Lunes habang bumabagtas ang convoy ni Mangudadatu sa Alunan Avenue sa Tacurong – Marbel Highway ay sumabog ang bomba na itinanim sa nakaparadang puting KIA Pride (MDJ-274) na sumapul sa ikatlong behikulo na sinasakyan nina Sinsuat.
Kaagad na nasawi ang trike driver na si Raffy Parenas habang sugatan naman sina Bebot Barabarang, ang anak nitong si Datu Rusman Sinsuat Jr., naputulan ng kanang paa; Noble Abdullah, Mabang Antonio Algaba, Richard Sonza, Robert Formacion at si Bokal Datu Sinsuat Sr. na malubhang nasugatan at namatay habang ginagamot.
Ayon kay P/Chief Supt. Benjardi Mantele, may tinututukan na silang lead sa kaso pero tumanggi munang idetalye at bumuo na rin ng Special Investigating Task Group (SITG) upang mapabilis ang imbestigasyon.