MANILA, Philippines - Dahil lamang sa alitan sa alagang pusa, isang 14-anyos na lalaki ang nasugatan makaraang mabaril ng bagitong pulis na nakipagsuntukan sa kaniyang kapitbahay sa Sitio Zone Tangkong, Barangay Paknaan, Mandaue City, Cebu kamakalawa.
Inoobserbahan sa Mandaue City Hospital ang nabaril sa likod na si Kevin Jay Tuñacao habang sumuko naman sa kanyang kabaro ang suspek na si PO1 Carlito Donque, 28, nakatalaga sa Philippine Center for Aviation Security Central Visayas.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nakipagsuntukan si PO1 Donque sa kaniyang kapitbahay na si Balbino dela Cruz matapos na makipagtalo dahil sa pag-spray ng pamatay ng insekto sa kaniyang alagang pusa.
Gayon pa man inawat ang dalawa ng ama ng huli kung saan umuwi muna si PO1 Donque saka iniumang ang baril sa kalaban na sinasabing tinatakot lamang nito.
Sa bersyon ni PO1 Donque, nagalit at ipinagtanggol lamang niya ang sarili laban kay Balbino matapos unahang suntukin nito sa mukha.
Nagpaputok pa ng warning shot si PO1 Donque pero sa kamalasan ay sa likod ng biktima tumama ang bala na may 15-metro lamang ang layo sa dalawang nag-aaway.
Nahaharap naman sa kasong administratibo at kriminal ang bagitong pulis.