Convoy ni Mangudadatu binomba: 1 utas, 7 grabe
MANILA, Philippines - Isa-katao ang iniulat na nasawi habang pito naman ang nasugatan makaraang bombahin ang convoy ni Maguindanao Governor Esmael “Toto “ Mangudadatu sa kahabaan ng highway sa Tacurong City, Sultan Kudarat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Raffy Parenas, trike driver habang sugatan naman ay si Bebot Barabarang, Maguindanao Board member Datu Rusman Sinsuat Sr., ang anak nitong si Datu Rusman Sinsuat Jr., naputulan ng kanang paa; Noble Abdullah, Mabang Antonio Algaba, Richard Sonza at si Robert Formacion.
Sa phone interview, sinabi ni Tacurong City PNP Director P/Supt. Gilberto Tuzon, dakong alas-3:30 ng hapon ng naganap ang car bombing habang bumabagtas ang convoy ni Mangudadatu sa Alunan Avenue sa harapan ng Cherubin Methodist Learning Center.
Nakaligtas naman si Govenor Mangudadatu na nasa unahan ng convoy ang sasakyan.
Nabatid na sumabog ang bomba na itinanim sa puting KIA Pride (MDJ-274) na nakaparada sa tabi ng highway kung saan pagdaan ng convoy ng gobernador ay nahagip ang ikatlong sasakyan na Toyota Fortuner (LGU-933) na pag-aari ni Maguindanao Board member Sinsuat.
Sa beripiaksyon, nakarehistro sa pangalan ni Maureen Macaseindil ng Maa, Davao City, ang pinasabog na kotse.
Sinabi ni Mangudadatu na planado ang pagtatangka sa kaniyang buhay dahil alam ng grupo ng terorista kung anong oras ang daan ng kaniyang convoy sa nasabing lugar.
Nabatid na galing sa livelihood project sa Maguindanao ang convoy ni Mangudadatu at patungo sana sa beach resort sa Tacurong City kasama ang mga opisyal nito para sana sa pagdaraos ng kaarawan ng gobernador nang makasalubong ang trahedya.
Sa panig naman ni Col. Prudencio Asto, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, inatasan na ni Brig. Gen Rey Ardo na palakasin pa ang checkpoint operations sa gitna na rin ng sunud-sunod na pambobomba at pagkakarekober ng pampasabog sa iba’t-ibang lugar sa Central Mindanao.
- Latest
- Trending