BATANGAS CITY,Philippines — Arestado ang isang 34-anyos na kahera matapos makadispalko ng P1.6 milyong collection mula sa feedmill company kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director ang suspek na si Alicia Comia ng Barangay Sabang, Lipa City at kahera ng Soro-Soro Ibaba Development Cooperative Feedmills.
Ayon sa ulat, dinala ni SIDC Manager Lucillo Plata si Comia sa Batangas City PNP matapos madiskubreng kinuha ng suspek ang halagang P1,656,149.43 mula sa kaniyang cash collection.
Sa panayam kay SIDC General Manager Rico Geron, si Comia na sinasabing nadiskubreng nagsasagawa ng overlapping o pagtatakip ng kanyang shortages mula sa mga bagong collection ay sumailalim sa auditing ng accounting department.
“ Mahirap ipaliwanag pero in simpler term, unti-unting nag-accumulate ang P1.6-milyon kasi pinagtatakip n’ya yung mga bagong collection sa mga nakukuha n’ya in previous collection,” paglalahad ni Geron.
Kasalukuyang nakadetine si Comia sa himpilan ng pulisya sa Batangas City para harapin ang kasong qualified theft.
Ang SIDCI ay maituturing na pinakamalaki at multi-awarded na feedmill cooperative sa bansa na may P1.2 bilyong earnings.