Batang sirena isinilang
CAMARINES NORTE, Philippines — Naging usap-usapan sa Brgy. Matoogtoog, Mercedes, Camarines Norte ang pagsilang ng isang sanggol na babae na ipinaglihi sa isang sirena makaraang bawian rin ng buhay dahil sa wala itong puwit at magkadikit ang mga paa, kamakailan. Nagawa pang mabuhay ng limang araw sa kanilang tahanan ang sanggol na pinangalanang Baby Mutya na hango sa isang teleserye na madalas na panoorin ng ina ng sanggol. Ang sanggol ay anak ng mag-asawang Fortunato at Jane Gonzales na naninirahan 'di kalayuan sa karagatan ng San Miguel Bay sa bayan ng Mercedes kung saan pangingisda ang ikinabubuhay ng mga ito. Noong Agosto 5 ay isinugod ang sanggol sa Camarines Norte Provincial Hospital dahilan sa maselang kalagayan ng sanggol pero binawian rin ito ng buhay. Nabatid pa na tuwing umaga ay madalas na pumapasyal sa dalampasigan ang ina ni Mutya upang lumanghap ng sariwang hangin at naglalakad sa dalampasigan noong ito ay nagdadalantao pa lamang.
- Latest
- Trending