2 JI bomber lasog sa explosion
MANILA, Philippines - Patay ang dalawang pinaghihinalaang bomber ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist, isa rito ang nagkagutay-gutay ang katawan makaraang sumabog ng wala sa oras ang bomba na plano ng mga itong itanim sa National Irrigation Administration (NIA) Office sa Amas, Kidapawan City, North Cotabato nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Director Felicisimo Khu, Chief ng Directorate for Police Operations -Western Mindanao, nagkapira-piraso ang katawan ng bomber na si Manampan Manalim na siyang may dala ng Improvised Explosive Device (IED).
Ang isa pang suspek na si Kalim Indigay ay binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Amas Provincial Hospital.
Ang dalawa, ayon kay Khu ay hinihinalang recruits ni JI terrorist Basit Usman na magsasagawa ng ‘test mission 'o pagpapasabog sa lugar. Si Usman ay may $1 M reward sa Estados Unidos.
Bandang alas-12:57 ng madaling-araw habang naglalakad na sina Manalim at Indigay dala ang bomba na itatanim ng mga ito sa harapan ng NIA Regional Office nang bigla itong sumambulat ng wala sa oras na sumapul sa katawan ni Manalim.
Ayon naman kay Col. Prudencio Asto, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, mabilis na nagresponde sa lugar ang Task Force Cotabato sa pamumuno ni Col. Edmundo Pangilinan na tumulong sa PNP Explosives Ordnance Division (EOD) team at Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na ikordon ang lugar.
Sa kasalukuyan ay itinaas na sa heightened alert status ang tropa ng mga sundalo at pulisya kaugnay ng intelligence report sa planong pambobomba ng JI terrorist sa Central Mindanao. Joy Cantos at Malu Cadelina Manar
- Latest
- Trending