MANILA, Philippines - Walong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang iniulat na napatay habang aabot naman sa 200 pamilya ang lumikas matapos sumiklab ang bakbakan ng magkalabang angkan ng mga rebelde sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesman Col. Prudencio Asto, bandang alas-3 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sagupaan sa Barangay Balanakan sa pagitan ng grupo nina Commander Adzmie ng 106th Base Command ng MILF at ni Commander Abunawas ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Lumilitaw na apat ang nalagas sa grupo ni Commander Adzmie habang dalawa naman sa grupo ni Abunawas.
Samantala, hindi naman nabatid ang bilang ng sugatan sa magkalabang grupo.
Aabot naman sa 200 pamilya ang napilitang lumikas sa takot na maipit sa bakbakan kung saan ang mga ito ay kinakanlong ngayon sa Gumbay Elementary School sa Barangay Buayan.
Kaugnay nito, umalerto naman ang tropa ng militar upang mapigilan ang posible pang pagdanak ng dugo sa pagitan ng grupo nina Adzmie at Abunawas.