MANILA, Philippines - Bulagta ang dalawang rebeldeng New People’s Army matapos makasagupa ang tropa ng mga sundalo kahapon ng umaga sa Brgy. Lahug sa bayan ng Tapaz, Capiz. Ayon kay Army Chief Lt. Gen. Arturo Ortiz, bandang alas-8:20 ng umaga nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng Army’s 61th Infantry Battalion at ng grupo ng mga rebelde na pinamumunuan ni Francisco Balaois alyas Ka Tonying ng NPA Central Front, Komiteng Rehiyon ng Panay. Tumagal ang bakbakan ng ilang minuto kung saan nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan at base sa intelligence report ay binawian ng buhay ang dalawa kabilang ang isang amasona. Wala namang iniulat na nasawi at nasugatan sa panig ng militar. Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang M16 Armalite Rifle, airgun, sako ng ammonium nitrate, 32 empty cans ng improvised explosive device, dalawang galon ng gasolina, 10 backpacks at mga subersibong dokumento.