Flashflood: 12,000 katao apektado
MANILA, Philippines - Umaabot sa 12,000 katao ang iniulat na apektado ng flashflood na rumagasa sa ilang bayan sa lalawigan ng Occidental Mindoro at Iloilo City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 17 barangay ang naapektuhan ng tubig-baha sa Occidental Mindoro dulot ng pagbuhos ng ulan simula noong Lunes.
Kabilang ang 3 barangay sa bayan ng Calintaan, 8 sa Sablayan at tig-2 naman barangay sa mga bayan ng San Jose at Sta. Cruz.
Naitala naman sa 2,065 pamilya (10,325 katao) ang apektado ng pagbaha kung saan nasa 260 pamilya mula sa bayan ng Sablayan ang nanuluyang pansamantala sa Ilaya Day Care Center.
Samantala, sa Iloilo City, aabot sa 412 pamilya (2,060 katao) mula sa anim na sitio ang dumanas ng pagbaha.
Kabilang sa mga apektado ng flashflood ay 130-katao sa Sitio Buntatala; 250 katao sa Calubihan; maging sa Desamparados ay nasa 750-katao at sa bayan ng Lawit naman ay nasa 475 indibidwal. Ang apektado. Nasa 265 katao naman ang naapektuhan sa bayan ng Calajunan sa Manduriao District at 190 katao naman ang inilikas mula sa Arevalo District.
Kaugnay nito, aabot naman sa 76 pamilya (310 katao) ang inilikas bunga ng landslide dulot ng pag-ulan sa Brgy. Asinan sa bayan ng Subic, Zambales kahapon ng umaga.
Kasalukuyang kinakanlong ang mga apektadong residente sa dalawang evacuation center sa Brgy. Hall at Senior Citizen Hall sa Asinan Proper, Subic habang patuloy ang clearing operations.
- Latest
- Trending