Mayor, 2 Army escort dinukot ng NPA
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang tumangging magbigay ng revolutionary tax mula sa negosyong mining, fishing at logging kaya dinukot ang isang alkalde at dalawa nitong Army security escorts ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Sabangan sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur kahapon ng umaga.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang sumulpot ang armadong grupo ng Guerilla Front 20 sa bahay ni Lingig Mayor Henry Dano.
Hindi nakapalag sa mga rebelde si Mayor Dano at dalawang escort nito saka isinakay sa isa sa tatlong van na ginamit ng NPA na nakasuot ng barong, t-shirt na may tatak na NBI habang ang iba pa ay naka-camouflage uniform.
Nabatid na bago ang insidente ay nakatanggap na ng pagbabanta sa buhay ang nasabing alkalde kaya kumuha ng escort mula sa 75th IB na pinamumunuan ni Lt. Col. Ruben Agarcio.
Sa huling monitoring, ang alkalde at dalawang security escort ay tinangay patungo sa direksyon ng Boston, Davao Oriental.
Binuo na rin ang Crisis Management Committee na pinamumunuan ni Surigao del Sur Governor Johnny Pimentel para sa ligtas na pagbawi sa mga bihag.
Rescue team ng Army inambus
Samantala, habang nagsasagawa ng rescue mission ay napaslang naman ang isang sundalo habang anim naman ang nasugatan sa naganap na pananambang ng mga rebelde sa Sitio Mahogany, Barangay Pagbakatan.
Kinilala ang nasawi na si Pfc. Wenceslao Pena habang ang mga sugatan ay tinukoy lamang sa mga apelyidong Sgt. Porras, Pfc. Pirote, Pfc Castanares, Pvt. Laydan, Pvt. Valencia at ang Cafgu member na si Balingan.
Lumilitaw na lulan ng military galloper at Humvee ang pangkat ni Lt. Col. Ruben Agarcio ng 75th Infantry Battalion nang pasabugan ng landmine.
Hindi naman nasiraan ng loob ang mga sundalo na nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde na nagsiatras naman
Ang tropa ni Agarcio ay naatasang magsagawa ng rescue mission kay Lingig Mayor Henry Dano at 2 Army security escorts na binihag ng mga rebelde may ilang oras pa lamang ang nakalipas ng maganap ang pananambang.
- Latest
- Trending