MANILA, Philippines - Dalawang estudyante ang iniulat na nasawi habang nasa kritikal namang kondisyon ang kaibigan ng mga ito matapos na aksidenteng sumalpok sa punongkahoy ang sinasakyan ng mga itong behikulo sa lalawigan ng Isabela kamakalawa ng gabi.
Idineklarang dead-on- arrival sa Cauayan Medical Specialist Hospital sa Cauayan City ang mga biktimang sina Hermogenes Gaffud Jr. at Marvin Diang; pawang 19-anyos at kapwa estudyante sa isang pribadong kolehiyo sa lungsod.
Kasalukuyan namang isinasalba sa pagamutan ang sugatang biktima na si Jerric Marquez.
Sa ulat ng Isabela Police, bandang alas-10:30 ng gabi nang aksidenteng bumangga ang sinasakyan ng mga itong Sports Utility Toyota Hi-Lux sa puno ng Gemelina sa tabi ng national road ng Brgy. Nappacu Pequeno. Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.