Abogado binaril sa opisina, kritikal
MANILA, Philippines - Agaw buhay ngayon ang isang abogado makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang armadong lalaki sa loob ng tanggapan nito sa Dumaguete City, Negros Oriental kahapon ng umaga. Patuloy na isinasalba ngayon sa Holy Child Hospital ang biktimang si Atty. Archer Martinez na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Batay sa imbestigasyon ng Dumaguete City Police, naganap ang insidente sa opisina ng biktima na matatagpuan sa downtown ng lungsod dakong alas-11 ng umaga. Ang gunman ay nagpanggap umanong kliyente ng biktima ng pumasok ito sa tanggapan na agad pinagbabaril ang nasorpresang target na duguang bumulagta mula sa upuan nito. Narekober naman ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
- Latest
- Trending