4 holdaper patay sa shootout
MANILA, Philippines - Apat na notoryus na holdaper ang napaslang kabilang ang dalawang miyembro ng Ozamis group sa magkakahiwalay na shootout sa mga operatiba ng pulisya sa Dasmariñas City, Cavite at Cainta Rizal noong Huwebes ng gabi at kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., dakong alas-2:30 ng madaling-araw nitong Biyernes ng makasagupa ng mga elemento ng Cainta Police ang Ozamis robbery/holdup group sa may gate ng Youngstown Subdivision, Brgy. San Juan, Cainta, Rizal.
Bago ito ay isinailalim na sa monitoring ng mga awtoridad ang mga suspek na lulan ng kulay itim na motorsiklo na walang plaka.
Ang mga suspek ay tumanggi umanong huminto sa checkpoint kung saan nagkaroon ng habulan at sa halip na sumuko ay pinaputukan ang mga operatiba ng pulisya na nauwi sa shootout sa ROTC Hunters Road sa may Youngstown Subdivision.
Sa shootout ay kapwa bumulagta ang dalawang nasawing holdaper na miyembro ng pinaghahanap na Ozamis robbery/holdup gang. Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Bago ito, ayon kay Cruz nitong Huwebes bandang alas-10:30 ng gabi ay nakasagupa rin ng mga operatiba ng pulisya ang tatlong holdaper na nangholdap sa Peechez Internet Shop sa Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City.
Sinabi ni Cruz na nagresponde sa lugar ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa panghoholdap sa establisyemento at inabutan ang mga suspek habang papatakas.
Nagkaroon ng ilang minutong putukan na ikinasawi ng dalawang suspek na hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan habang nagawa namang makatakas ng isa nilang kasamahan na patuloy na tinutugis ng batas.
- Latest
- Trending