IBA, Zambales, Philippines — Patuloy ang imbestigasyon ng binuong PNP task force group ng Zambales kaugnay ng pagkawala ng mga malalakas na kalibre ng armas, pampasabog at iba pang mamahaling kagamitan mula sa Camp Conrado Yap.
Kasama sa iniimbestigahan ay ang dating Zambales PNP director na si P/Senior Supt. Rafael Santiago na naging whistle blower at witness sa naganap na dayaan noong 2004 presidential elections.
Ayon ay P/Supt. Nelson Sulit, hepe ng binuong Task Group Tingkap, nadiskubre ang pagkawala ng mga armas sa kampo ilang araw matapos maupo sa puwesto ang bagong PNP provincial director na si P/Senior Supt. Wendy Rosario noong Hulyo 29 na kahalili ni Santiago.
Kabilang sa mga armas na nawawala ay 11 M-16 Armalite Rifle, 10-personal computers, 7 pares ng Kevlar vest at helmets, 30 yunit ng e-bikes, mga explosive at detonating cords na kinumpiska sa Coto Mines noong nanunungkulan pa si Santiago.
Naging standard procedure na magkaroon ng imbentaryo kapag nagkapalitan sa pamunuan subalit hindi na inabot si Santiago sa kampo para sa maayos na turnover.
Hindi rin sumipot si Santiago sa araw mismo ng turnover ceremony na dapat sana’y nakatakda noong Hulyo 19 na sa halip lumantad ang huli sa publiko bilang saksi sa dayaan noong 2004 elections kung saan isa sa kanyang iniuugnay ay si ex-PNP Chief at ngayo’y Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr.
“Ang imbestigasyon sa mga nawawalang armas at mga equipment sa kampo ay walang kinalaman sa kasalukuyang sigalot sa pagitan nina Santiago at Ebdane,” giit ni Sulit. Alex Galang at Randy Datu