Traffic enforcer, trike driver itinumba
BAGUIO CITY, Philippines – Walang puknat na patayan ang patuloy na umiiral sa lalawigan ng Abra kung saan isang traffic enforcer at trike driver ang pinagbabaril at napatay ng mga ‘di-kilalang lalaki sa bayan ng Bangued noong Martes ng madaling-araw.
Napuruhan sa dibdib sina Bernando Bermudez, 30; Nelson Dacuyag, 50, kapwa nakatira sa nasabing bayan.
Sa police report na nakarating kay Cordillera regional police office director P/Chief Supt Villamor Bumanglag, naitala ang krimen sa bisinidad ng Torrijos Street sa Zone 5 dakong alas-12:40 ng madaling-araw.
Lumilitaw na naglalaro ng baraha sa tabi ng highway ang dalawa kasama ang mga kaibigang sina Jaylord Clarence at Felipe Castañeda nang lapitan at ratratin ng mga suspek.
Nagawa pang isugod sa Bangued Municipal Hospital ang dalawa pero kapwa idineklarang patay.
Ayon kay Cordillera police chief information officer P/Supt. Englebert Soriano, narekober sa crime scene ang anim na cartridge ng cal 5.56 (M16 Armalite Rifle), 5-cartridge ng cal. 45 pistol, at dalawang basyo ng bala ng cal 9mm.
Samantala, isa naman granada ang inihagis at sumabog sa gate ng tahanan ni Chairman Romulo Burrton, 57, ng Barangay Calaba sa nasabing bayan noong Linggo ng Hulyo 30. Nasugatan naman ang barangay tanod na si Romeo Bicera, 43, matapos tamaan ng shrapnel sa kaliwang paa at naisugod naman sa Abra Provincial Hospital.
Ayon sa ulat, nakatakas naman ang dalawang di-kilalang lalaki na laluna ng motorsiklo na walang plaka.
Ang dalawang magkasunod na karahasan ay itinaon sa sinasabing pagbisita ni DILG Sec. Jesse Robredo sa nasabing lalawigan ay dahil sa lumalalang krimen.
- Latest
- Trending