Mag-utol nilamon ng putik
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-utol na bata matapos matabunan ng tone-toneladang putik sa kabundukan na gumuho dahil sa kasagsagan ng ulan dulot ng bagyong Kabayan kamakalawa ng madaling-araw sa quarry site sa Sitio Abatan, Barangay Lincod sa bayan ng Maribojoc, Bohol.
Kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga namatay na sina Junrey Potat, 4; at Princess Joy Potat, 2, kapwa narekober ng search and rescue team ang mga labi mula sa makapal na putik.
Isinugod naman sa ospital ang apat na sugatang sina Jimmy Tirol, 30; Ronel Agot, 21, at ang mga magulang ng mag-utol na sina Marites Potat, 20; at Bonifacio Potat, 24.
Nabatid na magkakasamang natutulog ang pamilya Potat at ang dalawang manggagawa sa makeshift shelter sa basement ng quarry site nang bumigay ang lupa mula sa bundok sa nasabing barangay.
Sinasabing ang lugar ay pag-aari ng negosyanteng si Nomiriano Almene ng Brgy. Cabawan, Maribbojoc kung saan aabot sa P .5 milyong halaga ang pinsala ng landslide sa quarry.
- Latest
- Trending