3 tiklo sa smuggling ng 20,000 litrong krudo
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines – Tatlo-katao kabilang na ang isang pulis ng Subic Bay Metropolitan Authority ang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs matapos tangkaing ipuslit palabas ng Subic Freeport Zone ang 20,000 litro ng krudo, ayon sa ulat.
Kinilala ni Port of Subic District Collector Errol Albano ang mga suspek na sina Arnold Vito Cruz, Wilson Mendoza at ang SBMA security officer na nakilala lamang sa apelyidong Navarro.
Sa naantalang ulat ni Customs Police District Commander Elpidio Jose Manuel, lumilitaw na papalabas ng Tipo Gate sa Subic Freeport ang tanker truck (CGC 578 ) ni Cano nang pigilin ni Manuel para suriin ang ilang papeles ng kargamento.
Subalit sa halip na ipakita ang dokumento ng kanilang kargang krudo, bumaba mula sa loob ng trak si Navarro at sinasabing tinangkang suhulan ang Customs police officer para mailabas ang libu-libong litro ng krudo.
Tinanggihan ni Manuel ang malaking halaga at sa halip ay dinala sa SBMA Law Enforcement Department ang mga suspek para sampahan ng kaukulang kaso habang ang tanker ay dinala sa holding area ng Bureau of Customs.
Kaugnay nito, tumanggi munang ibigay ni Manuel ang pangalan ng may-ari ng krudo habang hindi pa ito nakukumpirma ng mga imbestigador.
- Latest
- Trending