ZAMBALES, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang negosyanteng Tsino matapos makumspiskahan ng bultu-bultong armas sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa bayan ng San Marcelino, Zambales kamakalawa. Sa ulat ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Team Zambales at pulis-San Marcelino ang tahanan ni Manuel Tan sa Barangay Central dakong alas-9:30 ng umaga. Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Raymond Viray ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 75. Napag-alamang nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad kaugnay sa pag-iimbak ng armas na walang lisensya ng nasabing negosyante kaya sinalakay ang nasabing lugar. Kabilang sa mga nasamsam ay Bushmaster M16 rifle, Uzi submachine gun pistol, US carbine pistol, caliber .45 pistol, iba’t ibang uri ng magazines, mga bala at iba pa. Kasalukuyang isinasailaim sa imbestigasyon ang suspek habang nakakulong sa detention cell ng pulisya. Randy Datu, Alex Galang at Joy Cantos