3-anyos utas sa baril ng ama
MANILA, Philippines - Sementeryo ang binagsakan ng isang 3-anyos na batang lalaki matapos tamaan ng bala ng baril na pinaglaruan nito sa Barangay Canamokan sa bayan ng Compostela, Cebu kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Danao City Hospital sa tinamong tama ng bala ng cal. 38 revolver sa kaliwang dibdib si Vincent Tirado.
Ayon sa imbestigasyon, naiwan sa bahay ang biktima at nakatatanda nitong kapatid na 10-anyos matapos na umalis ang kanilang mga magulang na sina Teodoro at Melita Tirado na nagtungo sa kapitbahay.
Lumilitaw na naglaro ang biktima at sa sobrang kalikutan sa paglulukso nito sa kama ng kaniyang mga magulang ay namataan ang baril na may limang bala na nakatago sa unan ng kaniyang ama.
Sa pag-aakalang laruan ay pinaglaruan ng bata ang baril kung saan umalingawngaw ang malakas na putok na sumapul sa dibdib ng biktima.
Napatakbo ang mga magulang nito mula kapitbahay bunga ng insidente kung saan nagawa pang isugod ang bata sa ospital pero nabigo ng maisalba ang buhay.
Isinailalim sa ballistic examination ang nasabing baril at iniimbestigahan naman ang mga magulang sa posibleng pananagutan sa pagkamatay ng kanilang anak.
- Latest
- Trending