Army officer misteryosong naglaho sa Kalinga
BAGUIO CITY, Philippines – Isang Army officer sa Kalinga province ang misteryosong naglaho habang patungo sa military camp sa bayan ng Gamu, Isabela may dalawang linggo na ang nakalipas, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Col. Maning Tawantawan, commander ng 2nd Infantry Battalion, si Major Jeremias Ramirez, executive officer ng 21st Infantry Battalion ng Philippine Army ay huling nakontak noong Linggo ng Hulyo 16.
Napag-alamang patungo sa Philippine Army’s 5th Infantry Division headquarters sa Camp Melchor dela Cruz sa Upi, Gamu, si Maj. Ramirez nang biglang maglaho at hindi na makontak ng kanyang pamilya na nakatira sa bayan ng Maleta, Davao Del Sur.
Nakipag-ugnayan na si Tawantawan sa ibang yunit ng Army, at pulisya kabilang na ang intelligence community para makontak si Ramirez.
Ayon kay Col. Tawantawan, si Ramirez ay aktibo sa military operations sa Kalinga province kung saan miyembro ito ng Anti-illegal Logging Task Force.
Base sa rekord, noong Abril 4, 2011 ay nasabat ng pangkat ni Ramirez ang tone-toneladang troso sa Tabuk City kung saan sinasabing pag-aari ng isang malapit na kamag-anak ng mataas na opisyal ng provincial government.
Nabatid sa sworn statement ni Maj. Ramirez sa isinumite sa bayan ng Ilagan, Isabela noong Hunyo 21, 2011, lumilitaw na kahit tinawagan si Ramirez via cellular phone ni Kalinga Governor Jocel Baac para e-release ang nakumpiskang mga lumber, dinala pa rin ang kontrabando sa DENR-Community Environment and Natural Resources Office sa Tabuk.
Kinumpirma naman ni DENR-CENRO Tabuk Officer Geoffrey Sidchogan na may dinala si Major Ramirez na aabot sa 800 board feet na acacia flitches sa kanilang compound na umaabot sa halagang P24,000.
Subalit nahihiwagaan si Col. Tawantawan sa misteryosong pagkawala ng nasabing junior officer kung saan hindi naman nag-isyu ng opisyal na statement ang Lejo Cawilan Command ng CPP-NPA na nakabase sa Kalinga na nasa kanilang custody ang Army officer.
- Latest
- Trending