MANILA, Philippines - Nag-panic ang mga residenteng naninirahan sa dalampasigan sa bayan ng Iba , Zambales matapos na kumalat sa text messages ang pekeng tsunami alert sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Juaning sa bansa kahapon. Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense, bunga ng insidente ay napilitang maglibot ang pulisya kasama si Iba Mayor Adhebert Deloso upang payapain ang mga nahintakutang residente sa naturang munisipalidad. Ang pekeng impormasyon sa tsunami alert ay kumalat matapos naman ang paglindol ng 5.9 magnitude sa may 35 kilometro sa nasabing bayan dakong alauna y kinse ng madaling-araw. Samantala, tatlo pang paglindol ang unang naitala bandang alas-2:12 hanggang alas-3:34 ng madaling araw bunsod upang lalong mahintakutan ang mga residente. Dahilan sa matinding takot ay napilitan namang magsilikas ang mga residente at nanuluyan sa kanilang mga kamaganak at mga kaibigan na naninirahan sa mas mataas na lugar. Nang makumpirmang pananakot lamang ang kumalat sa text messages ay nagsibalikan ang mga residente.
Joy Cantos at Randy Datu