Bombing sa kampo ng Cafgu nasilat

Manila, Philippines - Nasilat ang planong pambobomba sa detachment ng Cafgu Active Auxiliary matapos marekober ang bomba sa ba­yan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao noong Biyernes ng gabi.

Ayon sa tagapagsalita ng Army’s 6th Infantry Division na si Col. Prudencio Asto, bandang alas-10 ng gabi nang matagpuan ang improvised explosive device (IED) sa bisinidad ng 23rd Maguindanao CAA detachment sa Barangay Kitanga.

Ang bomba ay itinanim may 150-metro ang layo sa mismong detachment kung saan ginamitan ng cell phone, mga pako, bote bilang mga sangkap.

Agad namang nagres­ponde ang pinagsanib na puwersa ng Army’s 6th Explosives Ordnance team at ang pulisya ng Datu Saudi Ampatuan na pinagtulu­ngang mai-detonate ang bomba sa pamamagitan ng water disruptor.

Sa kasalukuyan ay nakaalerto pa rin ang mga awtoridad kung saan mahigit pa sa 100-suspek sa Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009 ang tinutugis ng mga awtoridad.

Show comments