Bombing sa kampo ng Cafgu nasilat
Manila, Philippines - Nasilat ang planong pambobomba sa detachment ng Cafgu Active Auxiliary matapos marekober ang bomba sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao noong Biyernes ng gabi.
Ayon sa tagapagsalita ng Army’s 6th Infantry Division na si Col. Prudencio Asto, bandang alas-10 ng gabi nang matagpuan ang improvised explosive device (IED) sa bisinidad ng 23rd Maguindanao CAA detachment sa Barangay Kitanga.
Ang bomba ay itinanim may 150-metro ang layo sa mismong detachment kung saan ginamitan ng cell phone, mga pako, bote bilang mga sangkap.
Agad namang nagresponde ang pinagsanib na puwersa ng Army’s 6th Explosives Ordnance team at ang pulisya ng Datu Saudi Ampatuan na pinagtulungang mai-detonate ang bomba sa pamamagitan ng water disruptor.
Sa kasalukuyan ay nakaalerto pa rin ang mga awtoridad kung saan mahigit pa sa 100-suspek sa Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009 ang tinutugis ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending