Filipino-Chinese trader pinalaya
MANILA, Philippines - Matapos ang 75-araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang bihag ng mga itong negosyanteng Filipino-Chinese nitong Huwebes ng gabi sa kapitolyo ng Jolo, Sulu. Kinilala ni Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Western Mindanao Chief P/Director Felicisimo Khu, bandang alas-11:30 ng gabi ng pakawalan ng mga kidnaper ang bihag na si Nelson Lim. Si Lim, panciteria owner ay itinurn-over ng mga kidnaper kay Jolo Vice Mayor Edsir Tan base na rin sa kumpirmasyon ng pamilya nito sa pulisya. Ang nasabing negosyante ay dinukot ng grupo ni Abu Sayyaf Sub-leader Jurim Hussin noong Mayo 7 ng taong ito sa Jolo, Sulu. Hindi naman kinumpirma ng pamilya ni Lim kung nagbayad ang mga ito ng ransom kapalit ng kalayaan ng nasabing negosyante. Una ng humingi ng P5M ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan ng biktima. Ayon kay Khu, nakikipag-ugnayan na ang Sulu Provincial Police Office (PPO) kay Lim upang kumbinsihin ito na sampahan ng kasong kriminal ang grupo ng mga kidnaper na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
- Latest
- Trending