KAMPO ALEJO SANTOS, Bulacan, Philippines – Lima-katao na sinasabing notoryus drug pusher ang naaresto ng pulisya sa isinagawang serye ng operasyon sa tatlong bayan sa lalawigan ng Bulacan kamakalawa.
Ayon kay P/Senior Supt.Fernando Mendez Jr. kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Jeffrey Laxamana, 28, ng Brgy. Lolomboy, Bocaue; Lorie Francisco, 27, ng Sitio Tibagan, Brgy. Sta. Rosa 1, Marilao; Nestor Mendiola, 28, ng Brgy. Pulo, San Rafael; Eduardo Ramos, 38, ng Brgy.Tabang, Plaridel at si Jerry Dela Rosa, 33, ng Brgy. Bunsuran 3rd sa bayan ng Pandi.
Ayon kay P/Supt.Reniel Valones, sina Laxamana at Francisco ay nadakma sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan.
Samantala, si Mendiola ay nakumpiskahan ng 5 plastic sachet ng shabu, marked money, celpone, at dalawang motorsiklo sa Brgy. Sta. Cruz sa bayan ng Angat.
Hindi naman nakapalag sa mga pulisya sina Ramos at Dela Rosa matapos maaktuhang nagtutulak ng shabu sa Brgy. Bunsuran 3rd sa bayan ng Pandi.