SOLANO, Nueva Vizcaya ,Philippines – Sinampahan na ng kaso ang 12 Pinoy sa iligal na pagmimina matapos masakote ng mga awtoridad habang ipinupuslit ang mga nahukay na mga mineral ore mula sa iba't ibang minahan sa nasasakupan ng lalawigang ito.
Nahaharap ngayon sa paglabag sa Republic Act 7942 o ang Mining Act of 1995 ang mga suspek na sina Belmar Redaan, Nardo Bagiste at Ferdinand Mayamnes; Crisanto Tawang, Marlon Bigno, Warner Tuguinay, Jaime Reyes, Marlon Praga at Rodrigo Saguioyod Jr., Reynaldo Balanwe, Rey Estrada at Rogelio Lazaro; pawang mga residente ng lalawigan ng Benguet at Pangasinan.
Ang mga ito ay nahuling nagbibiyahe ng mga yamang lupa noong Mayo 15 sa Brgy. Roxas ng bayang ito ay ipinagharap ng sakdal sa sala ni Judge Regina Maddela-Medalla ng Municipal Trial Court ng bayang nabanggit.
Ang mga nahukay na ore na nagtataglay ng high-grade na gold, copper at iba pang mineral na walang mga kaukulang permit ay pinaniniwalaang galing sa kabundukan ng Brgy. Alimit, Kasibu.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source apat na Chinese nationals na pinangungunahan umano nina David Gou at Zhing Yu ang nagsisilbi umanong financier ng mga nahuling suspek.
Samantalang, bukod sa mga Tsinoy ay wala pa ring nahuhuli sa iba pang mga dayuhan tulad ng Taiwanese at mga Koreano na nangunguna sa kalakalan ng mine tailings o “Luyot” sa lalawigang ito.