PANDI, Bulacan, Philippines - — Isang Brgy. Tanod ang nasawi matapos na dumaloy sa katawan nito ang mataas na boltahe ng kuryente na aksidente niyang nahawakan habang nagmamando ng trapiko dulot ng poste ng kuryente na nabuwal sa daan nang mabangga ng jeepney sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Hindi na umabot pa ng buhay sa isang ospital ang biktimang si Pascual Glorioso, 57; residente ng Brgy. Baka-Bakahan bunsod ng tinamong 3rd degree burn sa kaniyang katawan habang agad namang tumakas ang driver ng pampasaherong jeepney na si Herminio de Guzman, 47 at naninirahan rin sa nasabing lugar. Base sa imbestigasyon ni Chief Insp. Roginald Francisco dakong alas-11:20 ng gabi ay kasalukuyang tinatahak ng driver na si de Guzman ang kahabaan ng naturang lugar nang mabangga nito ang isang poste ng Meralco na nasa gilid ng daan na naging dahilan upang matumba ito at magkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa lugar. Dahil dito ay boluntaryong nangasiwa ang biktima sa pagdaan ng mga sasakyan ngunit aksidenteng nahawakan nito ang kable ng kuryenteng nakasabit sa natumbang poste bunsod upang magkikisay ito at masawi sa insidente.