Kulungan sinalakay ng NPA
MANILA, Philippines - Sinalakay ng tinatayang 25 armadong miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang detention cell sa Catbalogan City, kamakalawa ng gabi kung saan isang jailguard ang nasugatan.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang biktima na si JO2 Roberto Lim na kasalukuyang ginagamot sa Samar Provincial Hospital sa tinamong tama ng bala ng M 16 rifle sa likod.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Cruz na bandang alas-7:30 ng gabi nang salakayin ng mga armadong rebelde na nakasuot ng camouflage uniform ang BJMP Jail na matatagpuan sa Brgy. Lagundi ng nasabing lungsod.
Ayon kay Cruz ang piitan ay binabantayan lamang ng limang BMP personnel kaya walang nagawa ang mga ito matapos na tutukan ng baril at padapain ng mga rebelde. Tumanggi namang dumapa si Lim kaya nairita ang mga rebelde at binaril ito sa likod sa pag-aakalang papalag ang nasabing jailguard.
Tumagal lamang ng 10- minuto ang pangha-harass ng mga rebelde na mabilis na tumakas tangay ang tatlong handguns ng mga jailguard, isang 9 MM pistol, isang cal. 45 pistol, isang cal 38 revolver, dalawang laptop computer at wallet ng isa sa mga bantay na naglalaman ng P 10,000.00 cash.
- Latest
- Trending