BATANGAS, Philippines – Tatlo sa anim na construction worker ang iniulat na nasawi matapos ma-suffocate habang nagtatrabaho sa loob ng septic tank sa bayan ng Malvar, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Insp. Gaudencio Aguilera, Malvar PNP chief, ang mga nasawi na sina Romulo Alvarez, Nardito Igloso, at si Ronald Alimbo na pawang trabahador ng EZP Technohub Mabz Builders.
Lumilitaw na nag-aalis ng ilang scaffolding ang dalawang trabahador sa loob ng septic tank nang bumigay ang ilang bakal at mahulog bandang alas-8:30 ng umaga.
Nang malaman ng mga kasamahan ang insidente, apat na trabahador ang sumaklolo sa mga nahulog pero maging ang mga tumutulong ay nawalan ng malay dahil sa kakulangan ng hangin sa loob ng septic tank.
Rumesponde rin ang mga tauhan ng Malvar at Lipa Fire Department para tumulong sa rescue operation
Sina Alvarez, Igloso at Alimbo ay idineklarang patay sa Metro Lipa Hospital samantalang ginagamot naman sina Genaro Igloso, Terasio Ondoy at si Librado Jaranilla dahil sa minor injuries.
Sa panayam ng PSN-Ngayon kay P/Insp. Aguilera, ipapatawag niya ang hepe ng security ng Lima Technology Center sa Barangay Santiago dahil hindi ipinagbigay-alam sa pulisya ang naganap na insidente.
“Hindi sila (Lima security) nag-report dito sa police station, nalaman na lang namin ang pangyayari sa flash report ng dzMM,” ani P/Insp. Aguilera.