Police colonel dedo sa ambush
BATANGAS, Philippines – Sinalubong ni kamatayan ang isang mataas na opisyal ng pulisya matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan sa bayan ng Taal, Batangas kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas police director ang napatay na si P/Supt. Rodney Ramirez, 42, ng P. Burgos Street sa Barangay Anak Dagat sa bayan ng Lemery, Batangas , naging hepe ng pulisya sa Sta. Rosa City sa Laguna at kasalukuyang naka-assign sa Personnel Holding and Accounting Unit ng Batangas PNP Provincial Office.
Lumilitaw na nagbibisekleta si Ramirez sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Butong nang harangin at ratratin ng mga di-kilalang lalaki na lulan ng L-300 van (TKY-349) bandang alas-9:45 ng umaga.
Napag-alamang inabandona ng gunmen ang kanilang sasakyan at naglakad na lamang patungo sa Sta. Teresita, Batangas.
Idineklarang patay sa Lemery Doctor’s Hospital ang biktima matapos mapuruhan sa ulo.
“I feel sad and disgusted. We just finished the Padyak Laban sa Kriminalidad, a joint awareness effort ito ng PNP, private and public sector and government para sa peace and order ng lalawigan tapos nangyari ang insidenteng ito,” pahayag ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto sa text message.
Pinaniniwalaang may kinalaman ang drug syndicate sa pagkakapatay kay Ramirez bilang dating intelligence officer ng Batangas PNP.
“Last year pa s’ya nakakatanggap ng death threat at surveillance sa kanya mula sa mga sindikato ng droga sa Batangas,” dagdag pa ni Acio.
- Latest
- Trending