BULACAN ,Philippines — Hiniling kahapon ng mga residente sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na kanselahin ang napipintong pagpapagawa ng 44-ektaryang sanitary landfill sa bayan ng Obando, Bulacan na katabi lamang ng mga kabahayan.
Binigyang-diin ng mga residente, na tinawag ang kanilang samahan na Concerned Citizens of Obando, na dadalhin nila ang laban hanggang Malacañang kung kinakailangan kapag hindi pinansin ng mga lokal na opisyal.
Ayon sa nasabing grupo na ang kalusugan ng kanilang pamilya ang malalagay sa panganib sakaling matuloy ang sanitary landfill na sinasabing hindi muna sila kinunsulta ng mga kinauukulan sa nasabing proyekto.
Hinamon ng CCO ang konseho ng Obando na magbigay ng detalyadong paliwanag kung bakit pinayagan ang landfill kahit na ang gagawa nito, ay ang kilalang korporasyon na sinasabing wala pang nagagawang proyekto na kahalintulad nito.
“Inaprubahan ng konseho ang landfill base lamang sa nilalaman ng proposal ng nabanggit na kompanya kung saan malinaw nitong nilabag ang ilang probisyon sa Ecological Solid Waste Management Act,” pahayag pa ng grupo.