CAMP SIMEON OLA, Legazpi City ,Philippines —Dahilan sa pagkumpiska ng mga panindang baboy ng mag-amang vendor, pinagtataga ang isang meat inspector sa naganap na karahasan sa loob ng palengke ng Brgy. San Roque, Virac, Catanduanes kahapon ng umaga.
Isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas ang biktimang si Andy II Po, 31, may asawa, market supervisor ng Virac Public Market at residente ng Barangay Palnab del Norte ng naturang bayan.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang mag-amang suspek na kinilalang sina Manuel Tablizo at Marco Antonio Tablizo, negosyante at pawang mga residente ng Barangay Gogon, Centro Virac.
Batay sa ulat ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-9:40 ng umaga habang ang biktima ay nagpapatupad ng Executive Order no. 1-2011 in relation sa RA. 9262 na ipinapatupad ng National Meat Inspection Code sa mga magtitinda ng mga karne sa naturang palengke.
Nang tangkain naman ng biktima na kumpiskahin ang panindang karne ng mag-ama ay tinaga ito sa kamay habang naaresto naman ang mga suspek ng mga nagrespondeng awtoridad.