SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan ,Philippines — Dalawang establisyementong hinihinalang lumalason sa mga ilog ng Bulacan ang ikinandado kamakalawa ng mga opisyal ng pamahalaang lokal at pangkalikasan.
Ang pagpapasara sa Cleveland Envirotech Solutions Inc., (CESI) at Cleveland Industries (CI), ayon sa opisyal ng Environmental Management Bureau ay simula ng kampanya laban sa mga katulad na establisimyento.
Ang CESI ay isang hazardous treatment plant na accredited ng EMB, at ang CI ay sister company nito na nag-iimbak ng mga naipong basura sa isang bodega. Ang dalawang kumpanya ay kumokontrata sa naglalakihang kumpanya sa Maynila ay Calabarzon para linisin ang mga itinapong hazardous wastes ng mga ito.
Ayon kay Lormelyn Claudio, director ng EMB sa Central Luzon, ang pagpapasara sa CECI at CI ay nag-ugat sa reklamo ng mga residente ng mga barangay ng Tungkong Mangga at Maharlika sa lungsod na ito.
Sinabi nito na bukod sa palantandan sa anomalya ng operasyon ng CESI at CI, nakakuha rin sila ng video footage mula sa Closed Circuit Television (CCTV) ng CESI noong Mayo 28 na nagpapakita ng pagtatapon ng mga likidong hinihinalang hazardous waste sa kanal na dumadaloy sa sapa ng Brgy. Tungkong Mangga at Maharlika.
Dahil sa mga ebidensyang naipon ng EMB, naglabas sila ng cease and desist order laban sa CESI at kanilang inihain iyon noong Huwebes kasama sina Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado, Mayor Rey San Pedro ng lungsod na ito at iba pang mga opisyal at mga mamamahayag.
Matapos maihain ang CDO kina Feliciano Zulueta, operations manager ng CESI, at Eddie Buenaagua, ang pollution control officer ng CI, ay sinelyuhan at ikinadena na ng EMB ang mga gamit sa loob ng planta.