Mini-library sa kulungan
BULACAN ,Philippines — Sa kabila ng mga kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penelogy sa iba’t ibang bayan, natatangi naman ang kulungan sa Meycauayan City matapos pagkalooban ng mini-library at learning center ng Madrigal Group of Company.
Pormal na pinasinayanan ni Teri Madrigal, chief executive ng Madrigal Group of Companies na nakabase sa Amerika na nagkaloob sa pamunuan ng BJMP ng mini-library.
Kabilang sa mga sumaksi at tumulong upang ganap na maisakatuparan ang nasabing proyekto ay sina Vice Mayor Jojo Manzano na kumatawan kay Mayor Joan Alarilla; J/Supt. Arturo Lorenzo ng BJMP Region 3, officer-in-charge BJMP/Meycauayan City na si J/Insp. Angelina Bautista; P/Supt. Eric Noble, hepe ng pulisya; city administrator Jose Yason, regional chaplain J/Chief Insp. Jose Elmer Tumanak, administration officer Angelina Llamansares, mga opsiyal ng BJMP/Meycauayan City at F/Senior Inps. Bernard Galang ng Bureau of Fire Protection.
Layunin ng proyekto ang mabigyan ng sapat na edukasyon at kaalaman ang mga pansamantalang nakakulong upang magkaroon ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng marangal na hanapbuhay sakaling nakalabas ng kulungan.
Aabot sa 40 inmates ang maaring okupahan ang mini-library kung saan may iba't ibang libro tungkol sa edukasyon at livelihood project tulad ng pagawa ng sabon, kandila, dekorasyon sa kabahayan, mga ornamental na palamuti at iba pa.
Hinikayat naman ni J/Supt. Lorenzo ng Region 3 ang lahat ng kanyang tauhan na maging tapat sa sinumpaang tungkulin at magkaroon ng sariling programa para sa mga detenido.
- Latest
- Trending