MEYCAUAYAN, Bulacan ,Philippines — Tatlong kalalakihan ang sunud-sunod na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Meycauayan at Balagtas PNP sa isinagawang follow- up operation makaraang holdapin ng mga ito ang tatlong lalaking empleyado ng isang dealer ng kilalang motorsiklo kahapon ng umaga.
Kinilala ni Provincial Director P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. ang mga biktima na sina Leo Racal 20, Robert Isulan 26, Bienvenido Sibalay, 21 pawang mga residente ng Brgy. Saluysoy, Meycauayan City at mga empleyado ng Rusi Ram Cycle na may tindahan sa naturang ding lugar.
Kasalukuyan namang nakadetine ang mga suspek na sina Fernando Gan, 34, ng Brgy.Tiaong, Guiguinto; Arjay Palabrica, 28, ng Brgy. Burol 1st at Norwin Fabian, 30, ng Brgy. Dalig pawang sa bayan ng Balagtas. Base sa imbestigasyon dakong alas-11:15 ng umaga ng maganap ang insidente habang naglalakad ang tatlong biktima sa isang lugar sa McArthur Highway papunta sa kanilang opisina ng bigla silang harangin ng tatlong suspek na nakasakay sa isang L-200 Pick-Up (RAR-642 ) at nagpakilalang mga kagawad ng pulisya ng Meycauayan City PNP habang ang isa sa suspek na si Gan ay may sukbit sa kanyang baywang na isang .38 revolber na baril na napag-alamang isang replica lamang kinalaunan.
Puwersahan isinakay ang tatlo sa naturang sasakyan saka nagdeklara ng holdap at kinulimbat ang halagang P16,000 kita ng kanilang tindahan at tatlong cellphone ng mga biktima saka iniwan sila sa isang lugar sa Brgy. Malhacan sa naturan ding lugar. Kaagad na iniulat ng tatlo ang pangyayari sa pulisya at dahil sa mahalagang impormasyon na nakalap ay agad ding natunton ang lungga ng tatlong suspek sa bayan ng Balagtas at Plaridel na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito kung saan nabawi din ang dalawang cellphone na pag-aari ng mga biktima kasama ang sasakyang ginamit sa panghoholdap.