MANILA, Philippines - Nalasog ang katawan ng isang lalaking anak ng Iman (paring Muslim) makaraang masapul sa pagsabog ng isang bomba na itinanim ng hindi pa nakilalang mga salarin sa isang mosque sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Maguindanao Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Marcelo Pintac ang biktima na si Arsad Sapar. Base sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng gabi habang ang Imam sa mosque na ama ng biktima ay nagsasagawa ng routine check nang biglang sumambulat ang bomba na sumapul sa katawan ni Arsad.
Sa pahayag ng mga testigo, bago ang pagsabog ay dalawang kahina-hinalang lalaki na lulan ng motorsiklo ang nakita nilang may kung anong bagay na iniwan sa loob ng mosque saka nagmamadaling tumakas sa lugar.
Ilang saglit pa ay isang malakas na pagsabog ang yumanig sa mosque na siyang ikinasawi ni Arsad.
Narekober naman ng mga nagrespondeng imbestigador ng pulisya angmga fragments ng mortar projectiles sa lugar.
Una ng isinailalim sa heightened alert ang buong rehiyon matapos ang serye ng pagkakarekober ng maraming mga bomba. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng mga salaring sangkot sa pambobomba.