Pari tinangkang iligpit habang nagmimisa, sakristan sugatan
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang sinapian umano ng masamang espiritu ang isang 43-anyos na ginang matapos nitong tangkaing patayin sa saksak ang isang pari habang nagmimisa, habang sugatan naman ang umawat na sakristan sa loob ng simbahan sa Tacloban City, Leyte nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Tacloban City Police Director P/Sr. Supt. Wilson Caubat ang paring nakaligtas sa pagtatangka sa kaniyang buhay na si Fr. Isagani Petilos, parish priest sa Sto Niño Church sa lungsod.
Nasugatan naman sa kaliwang kamay ang alertong sakristan na si Enrico Estrella na inawat ang suspek na si Divina Guantero, 43, ng Palo, Leyte habang sinusugod ng saksak ang paring nagmimisa.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Caubat na dakong alas- 5:10 ng hapon nitong Biyernes habang nasa kasagsagan ng pagse-sermon sa misa si Petilos nang biglang patakbong lumundag sa altar ang ginang na nanlilisik ang mga mata.
Bitbit ng ginang ang isang apat na pulgadang stainless folding knife ay sinugod ng saksak ang nasorpresang pari at mabuti na lamang ay naagapan ito ng sakristang si Estrella na nasugatan sa insidente.
Nagulantang naman ang mga deboto, ilan sa mga ito ay napilitang lumabas ng simbahan sa matinding takot.
Sumaklolo naman ang guwardiyang si Damo Darriguez na tumulong sa sakristan sa pagpigil sa ginang kung saan itinurn-over ito sa pulisya.
- Latest
- Trending