4 na holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang apat na hinihinalang holdaper makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga pulis sa Taytay, Rizal, kahapon ng madaling-araw.
Isa pa lamang sa mga suspek ang nakilala sa pamamagitan ng driver’s license na nakuha sa bulsa nito na si Danilo Arcillas, ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal.
Inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa tatlo pang nasawing suspek.
Sa paunang ulat ni PO2 Roy Tudlong, ng Taytay Police, nabatid na naganap ang shootout sa pagitan ng mga pulis at mga suspek dakong alas-2:35 ng madaling-araw sa kahabaan ng Ortigas Ave., Extension, kanto ng Noli Pascual St., Brgy. Musong, Taytay, Rizal.
Batay sa ulat, bago naganap ang insidente ay hinoldap muna ng mga suspek na lulan ng isang kulay puting Toyota Tamaraw FX (PBA-741) ang biktimang si Lourdes Villanueva, 59, at anak nitong si Danzene, 20, kapwa naninirahan sa Aquarius Interior St., Monpert Subd., Brgy. San Isidro, Taytay.
Nabatid na nakatayo ang mag-ina sa Ortigas Avenue Extension at naghihintay ng masasakyan nang biglang hintuan ng mga suspek at inagaw ang dala-dalang shoulder bag ng ginang gayundin ang cellphone nito.
Tinangka umanong tulungan ni Danzene ang ina ngunit nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek, kaya’t wala nang nagawa ang binata, habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek.
Nakatawag naman ng pansin sa mga barangay tanod ang alingawngaw ng putok kaya’t hinabol nila ang sasakyan ng mga suspek, at inalarma na rin sa mga awtoridad.
Nagsagawa naman ng dragnet operation ang mga awtoridad ng Taytay Police at mga elemento ng Rizal Intelligence Branch ng Rizal PNP, at nang maabutan ang mga suspek ay nagkapalitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
- Latest
- Trending