MARIVELES, Bataan, Philippines — Tinatayang aabot sa halagang P1.9 milyong halaga ng pinutol na kahoy ang nasamsam ng mga awtoridad habang 7 illegal loggers naman ang naaresto habang isinasakay ang illegally cut log sa 2 truck sa Sityo Milagrosa Barangay Balon Anito ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Bataan Provincial Police Director P/Sr. Supt. Arnold Gunnacao ang mga suspect na sina Apollo Fernando y Parillaga, 42- anyos, may-asawa, helper ng Barangay Concepcion General Tinio, Nueva Ecija, Raff Anthony Pega, 20, binata, helper ng Porto Gate Balon Anito; Manny Pangilinan, 35, may-asawa, helper ng Barangay Concepcion, Nueva Ecija; Joel Florez, 31, may-asawa, Casiano Factor, 43, driver, Joselito Cabalunga, 41, married, driver ng Barangay Bagumbayan, Bagac; at Julyo Cabildo, 61, may-asawa tumatayong leader ng grupo ng Barangay Concepcion, General Tinio, Nueva Ecija.
Nahuli sa akto ang mga suspek na isinasakay sa trak ang illegal na pinutol na mga kahoy sa kabundukan kamakalawa ng gabi matapos silang tumanggap ng impormasyon sa mga residente.
Nang hanapan ng mga kaukulang dokumento ng mga pulisya ang mga suspect ay walang maipakita ang mga ito ng kaukulang dokumento kung kaya sila ay inaresto at sinampahan na sila ng kasong paglabag sa PD-705 (illegal logging).