MANILA, Philippines - Sementeryo ang kinahantungan ng mag-ina makaraang malason sa kinaing isdang butete sa kanilang almusal sa Barangay Daan Lungsod sa bayan ng Medellion, Cebu noong Linggo ng umaga.
Namatay habang namimilipit sa matinding pananakit ng tiyan sina Remedios Apas at ang 30-anyos nitong anak na lalaki na si Lenito.
Nakaligtas naman ang dalawa sa apat na anak ni Lenito dahil tumikim lamang ang mga ito ng isdang butete na hindi nila naibigan ang lasa subalit dumanas din ng pananakit ang tiyan na agad namang nabigyan ng first aid.
Lumilitaw na inutusan si Lenito ng kanyang utol na babae para manghuli ng butete sa Barangay Paypay.
Nakahuli naman si Lenito at iniuwi para sa almusal ng kanyang ina at apat na anak.
Gayon pa man, ilang oras matapos mag-almusal ay nakaramdam ang mag-ina ng sobrang pananakit ng tiyan at ulo, pagsusuka saka matinding pagkahilo kaya mabilis na isinugod sa ospital.
Nagbabala naman sa publiko ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang butete ay nagtataglay ng tetrodotoxin kung saan mas mabagsik pa sa cyanide base na rin sa pag-aaral ng United States.
Sa tala, ang butete (puffer fish) ay sinasabing ikalawang most poisonous vertebrate sa buong mundo kung saan nangunguna ang Golden Poison Frog.