4 most wanted arestado

BULACAN ,Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng apat na kalalakihan na may iba’t ibang kasong kriminal matapos madakma ng pulisya sa magkakahiwalay naoperasyon sa lalawigan ng Bulacan.

Kinilala ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. ang mga suspek na sina Peter John Reyes, 21, ng Km.37, Brgy.Pulong Buhangin sa bayan ng Sta. Maria; Joseph Carasig, 33, ng Brgy.Poblacion, Plaridel; Emmanuel Angeles, 45, ng Brgy.Poblacion, Pulilan; at si Jesus Garcia, 48, ng Sto.Niño, Brgy.Perez, Meycauayan City. 

Si Reyes na may kasong rape ay naaresto ng mga tauhan ni P/Supt. Lailene Amparo sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Victoria Fernandez-Bernardo ng Malolos City Regional Trial Court Branch 18.

Samantala, si Carasig ay nasakote sa Brgy. Poblacion sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Manuel Siyangco ng Malolos City Regional Trial Court Branch 6.

Naaresto naman si Angeles sa isang paaralan sa Brgy. Poblacion, Pulilan base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Mary Anne Pedron-Rivera ng San Fernando City Regional Trial Court Branch 46 sa kasong carnapping at kidnapping.

Maging si Garcia na may kasong dalawang homicide ay nadakma naman sa Brgy. Perez base sa warrant of arrest ni Judge Ma. Teresa Gomez-Estoesta ng Manila Regional Trial Court Branch 7.

Show comments