CAMARINES NORTE, Philippines — Hindi iginalang ang simbahan sa bayan ng Daet makaraang looban ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang kamakalawa ng umaga. Base sa salaysay ni Monsignor Cezar Echano Jr. ng St. John the Baptist Church, nagawang gupitin ang buhok ng tatlong talampakang taas na rebulto ng Sto. Niño. Maging ang hawak na gintong supot at bola na sinisimbolo ang mundo ay tinangay din. Nilimas din ang mikropono na ginagamit ng simbahan sa misa. Ang nasabing rebulto ay ibinigay ng pamilyang Ponayo sa simbahan noong Enero 2011. May teorya ang mga deboto na ginagamit na anting-anting ang buhok ng rebulto ng Sto. Niño sa panabong na manok.