2 gutay sa pinasabog na karinderya
MANILA, Philippines - Nagutay ang katawan ng dalawa-katao habang aabot naman sa labing-isa ang nasugatan matapos pasabugin ng mga 'di-kilalang kalalakihan ang isang karinderya sa Isabela City, Basilan noong Sabado ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang isa sa nasawi na si Alnisal Alonto, 44, habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng ikalawang namatay.
Kabilang naman sa sugatan ay sina Christopher Reymundo Nuñez, Basilio Lehito Bersio, Marlon Albarato, Albert Alvarez, Mateo Agedera, Reynante Lim, Hamsal Hassan, Selina Buenaflor Guan, Jokal Rempoin, Albert Alvarez, P01 Imbran Habibon, Jovito Kisol, Allan Cahado, at si Orly Gamao.
Sinabi ni Director Felicisimo Khu ng Directorate for Integrated PNP Operations-Western Mindanao, ang pagsabog ay naganap sa harapan ng Mon’s Kitchenette sa panulukan ng Alano at Valderosa Street na may 40-metro lamang ang layo sa Isabela Church.
Ipinag-utos naman ni Isabela City Mayor Cherry Akbar na dalhin sa ospital sa Zamboanga City ang mga sugatang biktima.
Pinakalat na ang tropa ng special force ng militar sa pangunguna ni Capt. Erlito Roldan para asistihan ang pulisya sa patuloy na imbestigasyon. Phil. Star News Service
- Latest
- Trending