MANILA, Philippines - Niyanig ng dalawang magkakasunod na pagsabog ang bahay ng isang municipal councilor mula sa prominenteng angkan ng mga Ampatuan matapos sumambulat ang granada na inihagis sa compound ng opisyal sa Brgy. Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao nitong Biyernes.
Sa ulat ng ARMM Police, bandang alas-12:30 ng madaling-araw ng maganap ang pagsabog sa compound ng bahay na pag-aari ni Datu Unsay Municipal Councilor Datu Pandag Ampatuan sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang unang pagsabog malapit sa kusina ni Ampatunan at ang ikalawa ay sa may bakod ng tahanan nito na ikinapinsala ng kable ng kuryente .
Bunga ng insidente ay nagkaroon ng brown-out sa Brgy. Poblacion bagaman wala namang naiulat na nasugatan sa pagpapasabog.
Sa pahayag ng mga kapitbahay nina Ampatuan, bago ang insidente ay ilang kahinahinalang kalalakihan ang nakitang gumagala sa lugar.
Nagresponde naman sa lugar ang mga elemento ng Shariff Aguak Municipal Police Station, 1st Maneuver Platoon, 1st Mechanized Alpha Company ng Army’s 45th Infantry Battalion at ng Explosives and Ordnance (EOD) team at narekober ang isa pang granada na nabigong pumutok sa may bintana ng bahay ng konsehal.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa pulitika ang insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa pagpapasabog.