MANILA, Philippines - Labing-anim katao ang iniulat na nasugatan sa karambola ng sasakyan sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa San Simon exit sa lalawigan ng Pampanga sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Falcon kahapon ng umaga.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang 16 sugatan ay isinugod sa Jose B. Lingad Hospital sa San Fernando, Pampanga para malapatan ng lunas.
Base sa imbestigasyon, naganap ang banggaan ng 14-wheeler dump truck, 6- wheel Elf truck, pampasaherong jeep at isang Toyota Innova sa NLEX na nasasakupan ng San Simon exit bandang alas-7 ng umaga.
Nabatid na ang banggaan ay bunga ng masyadong madulas ang daan sa kasagsagan ng malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Falcon.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na hindi halos makita ng mga driver ng behikulo ang daan sa sobrang lakas na ulan kaya nawalan ng kontrol sa manibela na nagbunsod sa sakuna.
Isa sa mga biktima ay nasa kritikal na kondisyon sa tinamong matinding sugat sa ulo habang ang iba pa ay nagtamo naman ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng San Simon Police ang driver ng mga behikulong sangkot sa karambola.