LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa sampung mangingisda na sinasabing pumalaot ang iniulat na nawawala sa gitna na rin ng pananalasa ng bagyong Falcon sa Catanduanes, ayon sa ulat kahapon.
Batay sa ulat ni Office of Civil Defense Region V Director Raffy Alejandro na kinumpirma naman ni Barangay Chairman Noel Custodio na apat sa nawawala ay mula sa Brgy. San Vicente,Virac habang ang iba naman ay mula sa Brgy. Ibong na Sapa.
Kabilang sa mga nawawala ay sina Antonio Avila, Nestor Tapit, Vicente Rodriguez, Procero Tabios, Paquito Tabuso, Rolando Sarmiento at si Denver Sta. Ines.
Ang tatlo pang mangingisda na hindi natukoy ang pagkakakilanlan ay mula naman sa bayan ng Bato, Catanduanes.
Nabatid na binayo ng dambuhalang alon ang bangkang pangisda ng mga biktima habang namamalakaya sa karagatan.
Idinagdag pa ng opisyal na masyado pang malalakas ang alon sa karagatan kaya ipinagpaliban muna ang search and rescue operations.