MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang dalawang kidnapper na teroristang Abu Sayyaf ang inaresto sa isinagawang operasyon sa liblib na bahagi ng Barangay Upper Cabengbeng sa bayan ng Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Bandang alas-5:30 ng umaga nang salakayin ng tropa ni Special Operation Task Force Basilan Commander Col. Alexander Macario ang hideout ng mga bandido.
Kinilala ni Lt. Gen. Arthur Ortiz, ang dalawang nasakoteng Abu Sayyaf na sina Stanyul Ahlalul at Nurudin Mandiki.
Samantala, pinalaya naman ang tatlong kasama ng 2 Sayyaf na naaresto matapos patotohanan ng barangay chairman at ng military asset na mga lehitimong residente at hindi kasapi ng Abu Sayyaf.
Kasalukuyang bihag pa rin ng Abu Sayyaf Group ang tatlo-katao kabilang ang resort/restaurant owner na si Larry delos Santos na sinasabing kinidnap sa Lamitan City noong Disyembre 2010; Nico Sebastian na dinukot sa bayan ng Tuburan noong Mayo 19,2011 at si Randel Talania, 9, binihag naman sa bayan ng Titay, Zamboanga Sibugay noong Marso 2011.