HERMOSA, Bataan, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa mag-utol na batang babae makaraang tangayin ng malakas na agos at malunod sa sapa habang tumatawid kasama ang kanilang ina sa Purok Uno, Barangay Tipo sa bayan ng Hermosa, Bataan kamakalawa ng umaga.
Natagpuan ang bangkay ni Mary Joy Reyes, 3, may isang kilometro ang layo sa Barangay Roosevelt sa bayan ng Dinalupihan, Bataan habang patuloy naman pinaghahanap ng rescue team ang bangkay ni Dorina Reyes, 5.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Arnold Gunnacao, papauwi na ang mag-iina na tumawid sa sapa mula sa Olongapo City kung saan biglang lumaki at lumakas ang agos ng tubig.
Gayon pa man, nakabitiw sa pagkakakapit sa palda ng ina si Mary Joy kaya tinangay ng agos kaya napilitang bitiwan ng ina si Dorina para sagipin ang una.
Tinangay din ng agos sa sapa si Dorina kaya walang nagawa ang ina kundi ang panoorin na lamang ni Raquel Reyes ang kanyang dalawang anak na lulubog-lilitaw sa tubig habang sumisigaw papalayo.