MANILA, Philippines - Napatay ang anim na rebeldeng New People’s Army habang 12 iba pa ang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na engkuwentro laban sa tropa ng militar sa bayan ng Pamplona, Negros Oriental kamakalawa ng umaga.
Kabilang sa mga nasawing rebelde ay may mga alyas na Ka Rod, Ka Mao/Karl, Ka Bong, squad leader; Ka Lanlan (Waray) Ka Meloy/CK at Ka Noynoy.
Kinilala naman ang mga nasugatang rebelde na sina Ka Steve, Ka Rody, Ka Ledy alyas Ka Eva/Mina; Ka Venus/Vangie, alyas Ka Bebeng, Ka Mars, Ka Jing, Ka Ronnie, Ka Liway at si alyas Ka Marko.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 3rd Infantry Division commander Major Gen. Emmanuel Bautista, natiyempuhan ng Army’s 79th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Mark Anthony Calamba, ang grupo ng mga rebelde sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Banawe.
Tumagal ng 40-minuto ang sagupaan na kinasawi ng dalawa sa mga rebelde at lima naman ang nasugatan.
Kasunod nito, nakasagupa naman ng reinforcement troops ni 2nd Lt. Christopher Eslava ang iba pang rebelde na ikinasawi ng apat na NPA.
Nagsiatras ang mga rebelde matapos ang 10-minutong bakbakan.
Narekober sa encounter site ang isang M16 rifles, mga backpacks na naglalaman ng mga subersibong dokumento at mga personal na kagamitan.